3.21.2005

Walong Araw Ang Linggo

Muan 03/19

Nilisan kong may bahid ng takot at agam-agam ang gate ng isang eksklusibong village sa Makati ngayon gabi, galing ako sa bahay ng isa kong kliyente; halos maghapon din akong namalagi doon, tinatapos ang ano pa’t mga kailangan matapos sa trabahong aking sinuot. Maiigi na rin iyun, umaasa rin kasi akong magpahinga sa darating na mahal na araw, pero malamang sa hindi, hindi rin ako mawawalan ng gagawin. Madami akong trabaho at pinagkakaabalahan, bagay na mangilan-ngilan lang ang nakakaaalam, mabibilang sa daliri pero marahil wala silang ideya. Ni magulang ko, hindi ko pinapaalam sa kanila ang mga umaatikabong labing anim na oras kada araw kong kailangan kumayod. Para kanino? Para saan? Kung mamarapatin ay hindi ko na rin alam kung bakit. Pakiramdam ko’y isa akong makinang subsob sa hamon ng mga pagkakataon, nagmamadali, walang anu-ano mang pasubali. Tira lang ng tira. Hindi ko na alam mapagod kala mo, gayong minsan maririnig akong umuusal ng pagka-hapo wala iyon. Daig pa marahil ng humaharurot na bagon ng MRT ang utak ko, maraming gustong gawin, malayo ang gustong marating – walang kapaguran.

Marahil ito ang unang pagkakataon maisusulat ko ang ganintong mga saloobin. Sa totoo lang, gustong-gusto kong mag-online kanina malapit sa Greenbelt pagkatapos kung manggaling sa chapel. Nagpahatid kasi ako doon pagkatapos kong maghapunan sa kanila. Ewan, pero hindi pagod kundi pagkamuhi sa aking sarili ang aking nararamdaman. Marami akong tanong, kaakibat ng mga ilaw ng sasakyan tumatama sa aking mata na noong bahagya kong naisip kung mabubulag ako. Mga ilang linggo ko na ring ipinagpapaliban ang pagpunta sa isang optalmologist, gaya na nga ng kadalasan dahilan o katamarang mang matatawag; “madami akong trabaho” ang malimit kong pasintabi.

Nakakatawa ang mag-ina kangina. Halos hindi magkanda-mayaw ako sa paghagikgik sa tuwing mauulinigan ko silang magusap at magbiruan. “Alam mo parati siyang ganyan, pero kasing edad mo lang yan” pabulong niyang sinabi sa akin. “Sana matularan ka niya, nagtatrabaho na, samantalang siya; ayan nagaaral pa rin, minsan kailangan ko siyang I-nag kung kailang upang umatupag”.

Si Ms. Dori, kliyente ko. Magaan ang loob ko sa kanya sa maikling panahon kami magkakilala, nga lamang, parati niya akong ihinahambing sa binata niya. Magkasing edad lamang kasi kami. Minsan, hindi niya maiwasan ihalintulad ang mga ginagawa ko sa hilig ng kanyang anak. Na sana, may trabaho na rin siya gaya ko; samantalang magkabilaan ang pilit kung ginagampanang trabaho. Parati nga anong sa aking mga meeting, marahil naiintindihan din nilang sumasakay lang ako ng taxi papunta sa kanilang lugar.

“Hindi ka ba napapagod” minsan naitanong niya sa akin. “Nakakapagod po kung tutuusin pero nakasanayan ko na po eh”, palusot kung tugon. Marahil alam din nila kung marami dahilan kung iisipin kung bakit ang daming gustong gawin ng isang tao o ng isang katulad ko.

Ngayon, iniisip kung maigti, sino at bakit halos hindi magkamayaw ang paghahanap buhay. Kahapon lang sabi ni Amain,
baka napapabayaan ko ang aking pagkain. Ganoon parati pag umuuwi ako linggo-linggo. Minsan kailangan kung ikubli ang pagod at puyat sa nagdaang linggo upang huwag silang mag-alala. Minsan ako mismo ang namamangha sa kung saan nagmumula ang lakas, ang tibay at tapang ng loob upang suotin ang halos nakaririmarim na takbo ng buhay Maynila – kung kailan marahil tulog na ang karamihan, saka pa lamang ako uuwi, kung kailan gumigising ang ilan, saka pa lamang ako maguumpisang umidlip. Maraming tahimik at payapang gabi na akong nagisnan at tinahak kasabay ng mga tsuper ng taxing bumaybay sa kaibuturan ng mga panulukang sa kamaynilaan, karamihan sa kanilang pawang nanguurirat sa akin, nangungutya sa lalim ng gabi di matarok na pagiisip.

0 Comments:

Post a Comment

<< Home